From
http://neverstopbelieving7.blogspot.com/Isang Komentaryo sa dulang "Stages of Love" ng Ateneo Blue Repertory
Tagos sa puso – ito ang masasabi ko tungkol sa dulang “Stages of Love” ng Ateneo Blue Repertory (BlueRep).
Aaminin ko: talagang nahigitan ng dulang ito ang aking inaasahan. Nabighani ako sa lahat – kung paano umarte ang mga aktor at aktres; kung paano sila umawit; at kung paanong naiparamdam nila sa akin ang kirot, kilig at misteryo ng pag-ibig.
Sa pagbukas ng mga ilaw, namangha ako sa katapangan ng emosyon ng kanilang mukha – hindi matinag ni anong silaw ng ilaw, ni anong reaksyon ng mga manonood. Buo.
Noong bandang simula, aaminin kong naguluhan ako nang kaunti. Hindi ko mawari kung bakit ganoon na lamang ang mga pangyayari – tila padalos-dalos lamang, papalit-palit. Ngunit, sa pagkakaupo ko roon, unti-unti ko ring nakita ang daloy na sinusunod ng kuwento.
Hinayaan ko na munang libangin ako ng mga kantang puno ng damdamin at ng mga aktor at aktres na tunay ngang mahusay. Gayunpaman, sa kalagitnaan ng pagtatanghal, nagulat ako sa biglang nadama kong kakaiba. Inangkin ko na pala ang kuwento. Sa maliliit na mga eksenang naibahagi sa mga manonood, naibuod pa rin ang pagkatao ng bawat isa sa mga tauhan. Nakiramdam na pala ako, nang hindi ko nalalaman. Unang lumitaw ang damdamin kong ito nang mabatid ko ang damdamin ng lalaking sa mga unang bahagi ng kuwento, inakala kong nagpapatawa lamang. Ngunit, mali ako. Kinakatha pa lamang pala siya noon. At ito ang tumulong upang mas maintindihan ko siya, mas maramdaman. Naisip ko rin, kung sino pa iyong binabalewala, siya pala iyong may higit na masasabi, may higit na maibabahagi. Ulit, tagos.
Nang matapos ang dula, tunay kong naramdaman ang pag-ibig, na para bang sa tunay na buhay, hindi mo na lamang namamalayan.